SARS

back to FAQs SARS

1. Ano ba ang ibig sabihin ng "SARS"?


Ang ibig sabihin ng SARS ay:

S – severe, dahil ang sakit na ito ay malubha, maaring ikamatay

A – acute, dahil biglaan ang pagkakasakit

R - respiratory, dahil ang apektado dito ay ang mga baga o respiratory system

S – syndrome, ang tawag sa mga pinagsamang simtomas nito

2. Ano ba ang sakit na SARS?

Ang SARS ay isang bagong sakit na dala ng virus na ngayon pa lamang natagpuan sa tao. Ito ay sa pamilya ng mga "Coronavirus". Mabilis itong nakakahawa gaya ng sipon at trangkaso.

3. Ano ang mga simtomas ng SARS?


Ang unang mga simtomas ng SARS ay hawig din sa trangkaso: lagnat, ubo, pananakit ng mga kalamnan at pananamlay ng buong katawan. Pero, di gaya ng trangkaso na halos lahat ay kusang gumagaling, ang SARS ay maaaring lumubha at mauwi sa pulmonya sa loob ng 48 – 72 na oras paglabas ng lagnat. May mga 10% -20% ay mangangailangan ng ventilator o tulong sa paghinga. Mga 6% naman ang maaring mamatay.

top

4. Paano malalaman kung ang pulmonya ay SARS na pala?

Ang pulmonya ng SARS ay kamukha naman ng iba ring pulmonya na dati nang nandito sa Pilipinas, gaya ng mga pulmonya ng isang batang tinigdas – nahihirapang huminga, hinihingal. Ang malaking kaibahan ay napapagaling ng mga karaniwang antibiotics ang dating mga pulmonya dahil mga bacteria at hindi virus ang dahilan ng mga ito. Ang pulmonya ng SARS ay hindi napapagaling ng mga karaniwang antibiotics ngayon. Ang ribavirin ay sinusuri pa lamang kung talagang nakakapatay ng SARS virus.

Kaya ang pinaka-mabilis na paraan sa pagtukoy na SARS na nga ang dahilan ng pulmonya ay ang pagtukoy sa mga nahawahan ng isang may SARS. Dahil iilan pa lamang ang may SARS sa Pilipinas, at karamihan pa ay mga galing sa ibang bansang laganap ang SARS, madaling natutukoy ang mga contact pasyente sa pamamagitan ng "disease surveillance system" na naitatag ng DOH sa bansa noon pang 1991. Lahat ng sakit na maaring pumutok at mag-outbreak – gaya ng tigdas, polio, hepatitis at iba pa - ay talagang sinisubayan na ng sistemang ito.

5. May ugnayan ba ang Pilipinas sa iba’t ibang bansang may malaganap na SARS?

Nagtutulungan at nag-uusap ang iba’t ibang bansa sa pagsubaybay sa lahat ng mga SARS sa mundo. Binibilang ito ng World Health Organization at mga Kalihim ng Kalusugan sa bawat bansang apektado. Sa mga bansang malaganap na ang SARS, gaya ng Hong Kong at Tsina, hindi na pinabibiyahe o pinalalabas ng kanilang bansa ang mga contact ng may SARS doon hangga’t hindi pa tapos ang quarantine period na 10-14 na araw. Sa ganitong paraan mapapadali ang paghanap ng mga may SARS sa mga biyahero.

6. Paano kumakalat ang SARS?

Nai-kakalat ang SARS ng ISANG TAONG MAY SARS. Ang taong may pulmonyang SARS ay nagbubuga ng mga sipon at laway na may virus sa bawa’t ubo at bahin niya. Kapag nalanghap ang mga droplet ng virus o nahawakan ang bumaksak na infected droplets sa buhok, sa damit, o sa balat, kakalat ang SARS sa ibang tao.

Kung bago pa lang ang sakit – halimbawa, wala pang lagnat o kaya ay lagnat pa lang at walang gaanong ubo - hindi pa gaanong nakakahawa ang may SARS. Pinaka-maraming ibinubugang SARS virus ang isang pasyenteng matindi na ang ubo at pulmonya. Kaya kung maagang matutukoy ang nahawahan ng SARS, lagnat pa lamang ay maitatakbo na siya sa ospital upang doon magpagaling, hindi siya makahawa ng iba.


top

7. Paano ba kinokontrol ng pamahalaan ang pagkalat ng SARS?

Ang paraan ng pag-iwas sa SARS at pagsugpo nito ay ang mabilis na paghahanap ng mga may SARS at ang agad-agad na paghihiwalay nila sa madla, o ang tinatawag na "isolation" sa ospital. Ang taong napa-lapit sa isang may SARS (naging "contact" o nagka-exposure sa SARS), maski wala pang simtomas ng sakit, ay kailangan na ring i-bukod sa madla. Ito naman ang tinatawag na "quarantine". Ihihinto lang ang quarantine kung sa loob ng 10-14 na araw ay hindi magkakasakit ang naka-quarantine. Kasali dito ang mga biyaherong walang simtomas pero galing sa mga bansang laganap na ang SARS sa komunidad, gaya ng Hong Kong, Tsina, Singapore, Taiwan, Toronto Canada at iba pa.

8. Kontrolado pa ba ang SARS sa Pilipinas?

Sa panahon ngayon dito sa Pilipinas, limitado pa ang SARS sa mga kasong nasa ospital na. Matindi rin ang pagbabantay ng pamahalaan sa mga mamamayan upang matukoy agad kung may SARS sa komunidad. Binabantayan din ang mga bagong dating mula sa mga bansang laganap na ang SARS. May mga nahawahang kamag-anak ang isang may SARS na galing ng Toronto, Canada. May nahawa na ring mga health worker ang nahawahan ng pasyenteng galing ng Toronto, pero hindi naman kumalat ang SARS sa barangay na inikutan ng mga pasyenteng may SARS. Kontrolado pa ang SARS sa Pilipinas.

9. Anu-ano ang mga dapat gawin ng mga mamamayan para makatulong sa pagkontrol ng SARS?

Malaki ang maitutulong ng mga mamamayan kung gagawin nila ang mga sumusunod:

  • Makinig lamang sa mga opisyal na pahayag ng pamahalaan. Huwag magsiwalat ng di kompirmadong balita. Mas mabilis pang kumakalat ang SARS sa text kaysa sa tunay na SARS virus.
  • Huwag mag-panik buying ng masks, germ cleaning agents sa bahay at kung anu-ano pa. Tumataas lang ang presyo ng mask, baka maubos na kung kailangan nang talaga. Ang kailangan pa lamang mag-mask ay ang mga health worker na tumitingin ng mga pasyente at ang mga pasyente mismo, ang mga may lagnat, ubo at pulmonya na posibleng SARS.
  • Huwag munang mag-biyahe sa mga bansang laganap ang SARS
  • Doon sa mga nagbiyahe na at galing sa mga bansang laganap na ang SARS, sundin ang strict home confinement o home quarantine pag-dating sa Pilipinas– mga sampu hanggang 14 na araw. Kung makakaramdam ng lagnat at sakit na parang trangkaso sa loob ng 10-14 araw pagdating, tumawag agad sa mga Department of Health (DOH) STOP SARS ATTACK HOTLINES. Tutulong ang mga nasa hotline sa pag-aayos ng pagpasok sa ospital para sa isolation kung kinakailangan. Importante ito para huwag mahawahan ang mga kasambahay. Kung bago pa lang ang trangkaso, di pa gaanong makakahawa. Dapat magpa-ospital na bago magka-pulmonya. Mas masusubayan ang maysakit sa ospital, may oxygen at iba pang suporta sa paghinga.
  • Kung may dudang may SARS, magpunta agad sa mga nakatalagang SARS referral hospital. Pinili lang talaga ang mga ospital na mag-aadmit ng SARS dahil din sa pangangailangang kontrolin ang pagkalat ng SARS. Kung sadyang dumami ang may SARS, magtatalaga ng mga ospital na puro SARS lamang ang i-aadmit - "dedicated" sa paggamot lamang ng SARS. Ang pag-iipon-ipon ng mga pasyente ang pinaka-mabisang paraan ng pagkontrol ng pagkalat ng SARS.

top

10. Anu-ano ang mga dapat gawin ng mga health workers sa mga ospital na itinalagang SARS referral hospital upang sila rin ay hindi mahawa?

  • Ang mga ospital na itinalagang maging SARS referral hospital ay inutusang maghanda ng sapat na isolation rooms na may sariling banyo, liguan at airconditioning units para sa mga SARS suspects.
  • Kailangan kumpleto ang personal protective equipment ng mga titingin sa may SARS gaya ng n95 face mask, rubber gloves, proteksyon sa mata, takip sa buhok at mga sapatos. Ito ay para iwasang dumikit ang SARS virus sa buhok at katawang ng health worker. Kailangan ding strikto ang pagsusuot, paghuhubad at pagtatapon ng mga gamit na nabugahan ng droplets ng pasyente. Ito ang tinatawag na infection control procedures sa mga isolation areas. Kailangan ding husto sa iba pang mga gamit at supply ang mga ospital na ito.

11. Anu-ano ang mga dapat gawin ng mga health workers sa mga health center at ospital na hindi itinalagang SARS referral hospital?

  • Ang ibang ospital na hindi itinalagang SARS referral hospital ay kailangang matuto rin ng tamang pag-screen ng pasyenteng may lagnat, nagka-lagnat, inuubo o may iba pang sakit sa baga. May mga training ang DOH sa pag-triage ng pasyente.
  • Pati mga health center at private clinic ay kailangang matuto ng pag-screen o triage ng pasyente upang mas mabilis na matukoy kung sino ang may SARS. Nasa internet na ang World Health Organization protocol. Ilalabas naman ang DOH protocol sa DOH internet at ituturo ito sa mga training. Lahat ng ito ay batay din sa mga payo ng WHO.

top

back to FAQs SARS